Saturday, February 25, 2012

Pagkatapos ng EDSA I – May Pagbabago ba Kabayan?


photo taken from http://www.stuartxchange.org 


Parang kailan lang ng maganap ang unang makasaysayang EDSA Revolution I (o People Power Revolution I) noong February 25, 1986. Pero ngayong 2012, ika-26th year na pala ito ng pagdiriwang! Ang bilis talaga ng panahon.

Pero.. kung gaano katulin ang takbo ng panahon, ay kasimbagal naman ng pagong ang takbo ng pagbabago sa kabuhayan ng mga Pinoy, lalo na sa mga masang Pilipino. Mailap pa din sa ating kababayan ang tunay na pagbabago sa lipunan – ang pagsugpo sa kahirapan at kriminalidad.

Kindergarten palang ako noon ng maganap ang rebolusyong ito. Di ko ma mawari sa aking murang isipan ang ipinakitang pagkakaisa at kabayanihan ng mga Pilipino na makawala sa tanikala ng Batas Militar ni Marcos. Base sa mga kasaysayang nakasulat sa libro, ito ang kauna-unahang matahimik na pakikibaka ng mamamayan sa rehimeng diktadura tungo sa demokrasya at malayang pamamahayag sa buong mundo.

Ngunit, ngayong batid ko na ang aking pakinabang sa lipunan.. hindi ko maiwasang magtaka sa kinabukasan ng bansa. Nasaan na ang ipinaglaban ng mga mamamayan noon EDSA I? Nawala nga ang diktador, pero hindi ko pa din maramdaman ang tunay na pagbabago dito. Nakatali pa din ang bansa sa mga problema ng korupsyon sa gobyerno, kriminalidad, kahirapan, kawalan ng trabaho, at kamangmangan.

Nagtapos ako ng kursong Nursing na walang kasiguruhang trabaho o sapat na sweldo na naghihintay sa aking bansang tinatangi. Pero imbes na magreklamo at tumambay, nakipagsapalaran na lang sa ibang bansa para naman maitaguyod ang sarili at ang mga mahal sa buhay. Hindi lang ako nag iisa sa ganitong sitwasyon. Batid ko, madami kami. Napakadami! Doctors, engineers, teachers, accountants, skilled workers, at domestic helpers ay ilan lang sa mga bagong bayani ng Pilipinas “kuno.” Kahit saang bansa, makikita nyo kami.

Napakasalimoot isipin kung bakit ang Pilipinas ay naghihikahos pa din sa gitna ng mga naggagandahang mga tanawin, likas na yaman, at yamang tao.

Ang mga nasa katungkulan, mga mayayamang negosyante, mga pulitiko, mga may ari ng hacienda lang ang patuloy na yumayaman.. samantalang ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. Mga iskwater sa kamaynilaan at patuloy na dumarami. Ang populasyon ay mabilis na lomolobo. Ang krimen ay laganap sa buong bansa. May rally dito, may rally doon. Walang makuhang trabaho ang mga bagong graduates. Libo-libo ang umaalis sa NAIA para magtrabaho sa ibang bansa. Bigas, tubig, kuryente, at gasolina ay di na mapigilan sa pagtaas ng presyo. At higit sa lahat, lantaran nang ginagawa ang korupsyon sa gobyerno. Hay.. ito ba talaga ang tunay na dulot ng EDSA I?

 Tunay ngang kaaya-aya ang Pilipinas pagdating sa malayang pamamahayag at demokrasya pero iilan lang ang nagpapahalaga nito. Mismong ang mga nasa may kapangyarihan ang nagsasamantala sa kahinaan ng demokrasya para pansariling interes. Nakakalungkot isipin pero ito ang pagbabagong nararamdaman ng masa pagkatapos ng EDSA Revolution I.


Ilang EDSA Revolution pa kaya ang kailangan ng Pinoy para maramdaman ang tunay na layunin nito?

No comments:

Post a Comment